Tatlong dating Japanese soldiers, kinasuhan dahil sa sekswal na pang-aabuso
Kinasuhan ng Japanese prosecutors ang tatlong dating sundalo dahil sa pang-aabusong sekswal sa isang dati nilang kasamahan.
Ipinahayag na sa publiko ng 23-anyos na si Rina Gonoi, ang umano’y pang-aabuso sa kaniya noong isang taon, matapos na itigil ang imbestigasyon sa kaniyang mga alegasyon na ang sinasabing dahilan ay kakulangan ng ebidensya.
Ang hakbang ng prosecutors sa Fukushima region, kung saan dating nakatalaga si Gonoi, ay isang pagbawi sa una nilang konklusyon na huwag ituloy ang pag-uusig.
Sinabi naman ng isang tagapagsalita para sa tanggapan ng prosecutors, na hindi nila maaaring kumpirmahin ang desisyon sa telepono.
Sa kaniyang tweet ay sinabi ni Gonoi, “Today, the three were charged over sexual assault against me… I finally feel (my efforts) paid off because every day I was suffering. I want them to acknowledge what they did is a crime and atone for their sin.”
Noong isang buwan, ay sinabi ni Gonoi sa isang panayam na sa isang drill noong 2021, ay inabuso siya ng tatlo niyang kasamahan. Ini-report niya ang pangyayari, ngunit ang naging konklusyon sa isang internal probe ay walang sapat na ebidensya upang ito ay ituloy.
Matapos ilabas ni Gonoi ang kanyang mga alegasyon sa isang video na nai-post sa YouTube noong Hunyo, mahigit 100,000 tao ang pumirma ng petisyon at isinumite niya ito sa defense ministry, na humihiling ng isang independent investigation.
Mula noon ay tinanggap ng defense ministry ang nangyaring pag-atake at humingi ng paumanhin.
Para kay Gonoi, na pinangarap na maging bahagi ng Self-Defense Forces ng Japan mula pagkabata, ang desisyon na ipahayag sa publiko ang kawalan ng aksyon sa nangyari sa kaniya ay masakit.
Aniya, “It was the last resort, and I describe myself as desperate rather than brave.”
Idedemanda rin ng dating sundalo ang gobyerno at ang mga nang-abuso sa kaniya, dahil sa “mababaw” na paghingi ng tawad at pagmamaltrato sa kanya.
© Agence France-Presse