Apat pa na suspek sa Degamo murder, sumuko sa otoridad – Remulla
Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remulla na may karagdagang apat na suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ang sumuko sa militar.
Sinabi ni Remulla na dating mga sundalo ang apat na parte ng attack team sa Degamo murder.
Ayon sa kalihim, direct participants at major players ang apat na bagong surrenderees.
Dadalhin sa Maynila ang apat para ilagay sa kustodiya ng NBI.
Una rito ay may apat ng suspek na nadakip sa hot pursuit operations at may isang sumuko naman noong Biyernes.
Dahil dito, aabot na sa siyam na suspek ang nasa kustodiya ng mga otoridad.
Sa pagtaya ni Remulla, aabot pa sa tatlo ang hinahanap ng otoridad na kabilang sa pagpaplano ng krimen.
Samantala, nagpadala ng text message kay Remulla si Congressman Arnolfo Teves Jr. na pangunahing idinadawit sa Degamo murder.
Sinabi ni Remulla na natanggap niya ang text message ng kongresista noong Lunes na nagsasabi na gusto siya nito na makausap.
Pero hindi pa sinasagot ng kalihim ang mensahe ni Teves dahil nais niya na may ibang mga tao na kaharap kapag kinausap niya ang mambabatas.
Ito para aniya hindi rin mabaluktot ang anuman na sasabihin niya kay Teves.
Ayon pa sa kalihim, nais niya muna na tumuon sa apat na bagong sumukong suspek at ayaw niya na magpaabala sa mga kailangan niyang gawin.
Moira Encina