Pagkansela sa pasaporte ni Cong. Teves, maaaring ipursige ng pamahalaan
Isa ang pagkansela sa pasaporte ni Congressman Arnolfo Teves Jr. na pangunahing isinasangkot sa Degamo killing sa mga maaaring gawin ng gobyerno para ito ay mapabalik ng bansa.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla sa harap ng kabiguan ni Teves na umuwi ng Pilipinas mula sa abroad kahit nagpaso na ang travel authority nito mula sa Kamara.
Pero nilinaw ni Remulla na kailangang masunod ang mga proseso sa alinmang hakbangin para sa kanselasyon ng mga dokumento.
Ayon sa kalihim, ang pasaporte ay inisyu ng pamahalaan para sa pagkakilanlan ng isang tao para ito ay makabiyahe.
Dahil dito, kailangan aniyang maingat at masunod ng gobyerno ang batas sa pagkansela ng pasaporte lalo na’t ang right to travel ay ginagarantiyahan ng Saligang Batas.
Samantala, inihayag ni Remulla na batay sa impormasyon nila ay nasa Timog- Silangang Asya ang kongresista.
Muling hinimok ng kalihim si Teves na umuwi na ng Pilipinas at harapin ang mga reklamo laban dito.
Moira Encina