Committee hearing sa Kamara pinayagan ni House Speaker Martin Romualdez kahit nakabreak ang sesyon
Patuloy na makapagsasagawa ng mga hearing ang mga standing regular committee sa Kamara kahit naka-break ang sesyon ng Kongreso mula March 23 hanggang May 7 ng taong kasalukuyan.
Itoy matapos maghain ng motion sa plenaryo si House Majority Leader Manix Dalipe at walang tumutol kaya pinahintulutan ni House Speaker Martin Romualdez ang pagdaraos ng committee hearings kahit naka-break ang session upang mapabilis ang pagpapatibay sa mga nakabinbin pang mahalagang mga panukalang batas.
Unang inihayag ni Speaker Romualdez na umabot na sa 23 ang naipasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa mula sa 31 na mga panukalang batas na prayoridad ng Marcos Jr. administration sa LEDAC o Legislative-Executive Advisory Council meeting sa Malakanyang.
Sinabi ni Romualdez ang naturang bills o mahahalagang panukalang batas ay nai-transmit na sa Senado.
Binigyang diin ni Romualdez ang mabilis na aksyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay patunay ng commitment ng Kongresista na mapagtibay ang mahahalagang mga panukalang batas na makatutulong sa 8-point socio economic agenda ng kasalukuyang administrasyon.
Vic Somintac