Gobyerno pinagaaralan ang emergency procurement ng ROVs para mahigop ang mga tumagas na langis mula sa MT Princess Empress
Isinasapinal na ng inter-agency task force sa oil spill ang pag-aaral sa panukalang emergency procurement ng remotely operated vehicles (ROVs) upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na inaalam nila kung maaaring legal na makabili ng ROVs ang pamahalaan sa emergency basis.
Aminado si Remulla na sensitibo ang usapin ng emergency procurement tulad ng nangyari sa biniling COVID-19 vaccines ng gobyerno.
Pero may immediate aniyang pangangailangan dahil maaaring tumatagas pa ang langis mula sa tanker at patuloy itong kumakalat.
Inamin naman si Remulla na hindi nila tiyak kung marami, kakaunti o wala nang langis na tumatagas sa tanker dahil hindi malinaw ang mga report.
Tinatayang P120 million ang inisyal na halaga ng ROV na tinitingnan bilhin upang mapigilan ang oil spill.
Aniya, batay ito sa alok ng isang specialist group sa Pilipinas na silang magpapasok ng ROV sa bansa.
Sa ulat na tinanggap ng task force, umaabot sa 23 ang butas sa motor tanker.
Moira Encina