DOJ: Kahera ng isang NGO, kauna-unahang nahatulan sa ilalim ng Terrorism Financing Law
Hinatulang guilty ng korte sa Iligan City ang cashier ng isang non-governmental organization (NGO) ng pagpu-pondo sa teroristang grupo.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), napatunayang guilty ng hukuman sa 55 counts ng paglabag sa section 7 ng Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 si Angeline Magdua.
Si Magdua ay isa sa dalawang cashiers ng Rural Missionaries of the Philippunes (RMP)- Northern Mindanao Region (NMR), isang NGO na sinasabing front ng terrorist organization.
Sa alegasyon, kumukuha ang RMP ng mga donasyon mula sa foreign groups para mapondohan ang mga terorista.
Paliwanag ng DOJ, responsable si Magdua sa pamamahagi ng pondo sa mga miyembro ng terror group alinsunod sa utos ng isa sa mga kapwa akusado nito.
Sinabi ng DOJ na ito ang unang conviction sa ilalim ng RA 10168 kahit ito ay 11 taon nang naisabatas.
Inihayag ng kagawaran na ang landmark ruling ay magsisilbing pundasyon at magbibigay daan para sa mga prosekusyon sa hinahanap sa ilalim ng naturang batas.
Itutuloy naman ng Iligan City prosecutors ang pag-usig pa sa kaso laban sa 15 kapwa akusado ni Magdua.
Itinuturing ng DOJ na malaking panalo ang kaso laban sa terorismo at sistema ng hustisya.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo na inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagsagawa ng financial investigation sa mga NGOs na nagbibigay ng pinansyal na support sa terror groups.
Sa resolusyon ng DOJ panel of prosecutor noong Agosto 2022, binigyang bigat ang testimonya ng mga testigo na isang dating rebelde at isang finance officer ng iba’t ibang communist fronts kabilang na ang RMP.
Ayon sa mga testigo, ang mga opisyal ng RMP ay bumubuo ng project proposals na ipini-prisinta sa foreign funders.
Sa oras na maaprubahan ang project proposals ay iwa-wire ng mga dayuhang funder ang salapi sa bank accounts ng RMP.
Moira Encina