Hirit ni Senador Padilla na meeting ng Senado at Kamara sa ChaCha, malabo ayon kay Senador Villanueva
Walang mangyayaring dayalogo sa pagitan ng Kamara at Senado para pag-usapan ang paraan sa pag-amyenda sa economic provision ng saligang batas.
Sa kabila ito ng sulat ni Senador Robin Padilla para umapila sa mga kasamahan sa Senado na paboran ang hirit na meeting sa mga kongresista para umusad na ang charter change Pero sabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, hindi niya alam ang intensyon ng sulat ni Padilla.
Malinaw naman kasi aniya sa napagkasunduan sa caucus ng mga senador na susundin nila ang proseso sa paggawa ng batas at ito ay aplikable rin sa dalawang panukalang amyendahan ang economic provisions.
Sabi ni Villanueva sa proseso sa paggawa ng batas, oras na makagawa na ng committee report, nilagdaan at may sapat na suporta mula sa mga miyembro, otomatikong dadalhin ito at tatalakayin sa plenaryo.
Kung makukumbinse naman ang mga Senador sa panukala at magkaroon ng sapat na boto, walang dahilan para hindi ito aprubahan ng mataas na kapulungan.
Sa ngayon ayon kay Villanueva, hihintayin nila ang report ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na pinamumunuan ni Padilla sa dalawang panukala tungkol sa ChaCha.
Hindi matiyak ni Villanueva kung susuportahan ito ng mga kapwa Senador pero ang malinaw aniya ay mas pabor ang mga mambabatas na itulak ang mga panukala ukol sa interes at magbibigay ng proteksyon sa mga Pilipino.
Meanne Corvera