Breakthrough sa Degamo killing: NBI arestado ang isa sa mga umano’y mastermind –Remulla
Arestado na ang isa sa mga mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa anunsiyo ni Justice Secretary Crispin Remulla, nadakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing mastermind na nagtatago sa loob ng bansa.
Nabanggit na rin aniya ng ibang mga suspek ang pangalan ng bagong nahuling main player sa kanilang mga salaysay.
Ito aniya ang dahilan kaya nais nila na mahuli ang nasabing mastermind noong una pa.
Dahil sa “major breakthrough,” na ito ay sinabi ni Remulla na 99% nang lutas ang kaso ng Degamo murder.
Aabot na sa 11 hanggang 12 suspek ang nasa kustodiya na ng NBI.
Ayon pa kay Remulla, may dalawa hanggang tatlong utak ng krimen pa ang hinahanap ng otoridad.
Inamin ni Remulla na politika ang nakikita nilang motibo sa krimen.
Nang tanungin naman ang kalihim ukol sa pagkakasangkot ni Congressman Arnie Teves sa krimen, sagot ni Remulla na “He fits in right there. In the middle of everything.”
Kinumpirma rin ni Remulla na hawak na ng DOJ ang waiver of confidentiality ni dating Governor Pryde Teves na kapatid ni Congressman Arnie upang mabuksan ng mga otoridad ang kaniyang bank accounts at phone records.
Naniniwala ang kalihim na ang waiver ay nangangahulugan na walang itong itinatago.
“This says a lot. He wants to come clean. He’s not hiding anything so somebody must be hiding something,” paliwanag pa ni Remulla.
Moira Encina