LTFRB nagpaalala sa pagsusuot ng facemask, pag-iwas sa kolorum na sasakyan
Nagpa-alala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga pasahero sa kanilang pagbibiyahe ngayong mahabang bakasyon.
Sinabi ng LTFRB na inoobserbahan pa rin sa loob ng mga pampublikong sasakyan ang pagsusuot ng facemask.
Ito’y kahit mababa na ang kaso ng Covid-19 sa bansa.
Sa panayam ng TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni Joel Bolano, Technical Division Chief ng LTFRB, na dapat pa ring sundin ang umiiral na health protocol sa loob ng pampublikong sasakyan, ngunit optional na lamang ang pagsusuot ng facemask pagbaba ng sasakyan.
“Sa public transport, in place yan, sa loob ng public transport required pa rin ang face mask, hangga’t maari sinusunod,” dagdag ni Bolano.
Samantala, nanawagan din ang LTFRB sa mga pasahero na huwag tangkilikin ang mga kolorum na sasakyan ngayong mahabang bakasyon.
Aminado si Bolano na sa ganitong panahon nakikita ang presensiya ng mga kolorum na sasakyan.
Partikular na tinukoy ng LTFRB ang mga van na naghihintay sa labas ng mga terminal gaya sa Paranaque Integrated Transportation Exchange o PITX.
Sinabi ni Bolano na dapat isaalang-alang ng mga biyahero ang kanilang seguridad.
Paliwanag pa ni Bolano “huwag i-patronize (kolorum) at isipin ang safety lalo na kung malayo ang byahe, wala pong insurance yan, walang passenger insurance unlike public transport, safety dapat ang tingnan.”
Weng dela Fuente