7 puganteng Tsino na nagpanggap na mangingisda, nai-deport na sa China – BI
Naibalik na sa kanilang bansa ang 7 Chinese nationals na nagpanggap na mangingisda nang masagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatang sakop ng Eastern Samar.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), ibiniyahe ang pito sakay ng Philippine Airlines flight patungong Guangzhou, China noong Abril 6.
Matapos makumpirmang pugante sa batas ay naglabas ang BI ng exclusion order laban sa pito.
Inilagay na rin sila sa Immigration blacklist kaya’t bawal na silang makapasok sa Pilipinas.
Ang 7 ay sakay ng fishing vessel na MV Kai Da 899 nang makaranas ng mechanical problem ang barko at nag-distress signal.
Nang makuha ng PCG, wala namang maipakitang dokumento ang pito kaya nakipag ugnayan ang mga awtoridad ng Pilipinas sa Chinese Embassy.
Dito nalaman na mga wanted pala sjla sa China dahil sa ibat ibang krimen.
Kinilala ang pitong dayuhan na sina: Tang Rixin (alias Tong Yat Sun), Mai Bolin (alias Mak Pak Lam), Chen Zhewei, He Chengjun, Liu Jianping, Shi Junning, at Lei Dengza.
Madz Moratillo