Epekto ng pandemya sa edukasyon, ikinabahala ng mga Senador
Nababahala ang ilang Senador sa inilabas na report ng Commission on Human Rights (CHR) na hirap makahanap ng trabaho ang mga bagong graduate na kabataan lalo na ang mga nagsipagtapos sa panahon ng COVID-19 Pandemic.
Bunsod ito ng sinasabing kakulangan sa pagiging creative, pagkakaroon ng empathy communication at iba pang social skills na dapat natutunan ng mga mag-aaral sa mga face-to-face class.
Ayon kay Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel, nakababahala ang sunud-sunod na nangyayari sa bansa na patunay na mas humirap ang buhay ng mga Pilipino.
Sinabi ng mambabatas na kailangang mamuhunan pa ang Pilipinas sa human capacity, lalo na sa mga kabataan.
Ayon naman kay Senador Sonny Angara, ang kawalan ng social skills ay matagal nang problema sa mga kabataan at nangungunang concern ng educational system ngayon.
Bukod sa social skills, idinagdag ni Angara na may problema din ang mga kabataan sa reading comprehension.
Pero malaking tulong aniya kung gagawin din ng mga magulang ang kanilang ambag sa pagtuturo sa mga kabataan.
Meanne Corvera