Extension sa SIM Card Registration, tinatalakay ng DICT
Pinag-aaralan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kung kailangang i-extend o palawigin ang deadline para sa subscriber identity module o SIM card registration sa bansa.
Sa harap ito ng mababa pa ring bilang ng mga SIM card na nairehistro kulang dalawang linggo bago ang deadline nito sa April 26.
Sinabi ng National Telecommunications Commission (NTC) na nasa 38.8% pa lamang mula sa 168.9M SIMS na naibenta sa bansa ang nakarehistro na.
Nilinaw naman ni DICT Assistant Secretary Jeffrey Ian Dy na wala pang polisiya ang kagawaran sa ngayon kung mag-e-extend sa deadline ngunit may kasalukuyang diskusyon sa isyu.
Nauna nang umapela ang Globe at Smart telecoms sa gobyerno para sa SIM registration extension.
Dagdag ni Dy, pinag-a-aralan na rin ng mga Telcos at mga ahensya ng gobyerno kung paano mapapadali ang proseso ng SIM registration.
Sa ulat, maraming subscribers ang nahihirapang magrehistro ng kanilang SIM card dahil sa kawalan ng valid government IDs.
Vhin Pascua