E-Service system ng BIR nakatulong para di maging siksikan ang huling araw ng income tax filing
Tinutukan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr., ang huling araw ng filing ng Annual Income Tax Return (AITR).
Sa kanyang talumpati sa Manila Regional Revenue Office 6, sinabihan ni Lumagui ang mga opisyal at tauhan ng BIR na pagbutihin ang pagsiserbisyo sa mga tax payers upang ganahan ang mga ito na magbayad ng buwis na kakailanganin ng gobyerno sa pagbibigay ng serbisyo sa taongbayan.
Di tulad ng dati, hindi na dinadagsa ng mga tax payers ang deadline na itinakda ng BIR para sa pagpa-file ng Annual Income Tax Return ngayong araw, April 17, 2023.
Dagdag pa ng BIR chief, karamihan sa mga tax payers ay ginagamit na ang Electronic Filing System.
Inulit ni Lumagui na wala nang extension ang paghahain ng Annual Income Tax Return, kaya sinumang hindi magkapagbabayad ng buwis sa itinakdang deadline ay mahaharap sa kaso na may kaakibat na pagpapataw ng interest, surcharges at iba pang compromise penalties.
Dahil bukas ang mga BIR field office noong Sabado, sinabi ni Lumagui na umaasa silang makapagpa-file na ngayong maghapon, ang natitirang 4% na hindi pa nakapaghahain ng kanilang Annual Income Tax Return.
Niliwanag ni Lumagui na kabuoang P1.1 trilyon ang inaasaan ng BIR na makokolekta sa mga tax payer ngayong April deadline na bahagi ng P2.6 trilyon target collection ngayong taon.
Nag-ikot din si Commissioner Lumagui sa mga Regional Revenue Office sa National Capital Region (NCR) kung saan unang pinuntahan ang Regional Revenue Office 6 sa Maynila, kasunod ang Regional Revenue Office 8B sa South NCR, gayundin ang Regional Revenue Office 8A sa Makati at panghuli ang Regional Revenue Office 7A sa Quezon City.
At dahil maluwag na rin ang filing ng Annual Income Tax Return, hindi na nahirapan ang mga taxpayer, gayundin ang mga BIR clerk na tumatanggap sa mga nagpa-file ng Annual ITR.
Pinasalamatan ni Commissioner Lumagui ang mga tax payer gayundin ang mga opisyal at tauhan ng BIR, dahil naging payapa at matagumpay ang huling araw ng filing ng Annual Income Tax Return.
Vic Somintac