Gobyerno di maramdaman ang pagkilos sa agrikultura – Bantay Bigas
Hindi maramdaman ng mga magsasaka ang pagkilos ng gobyerno pagdating sa usaping pang-agrikultura.
Kasunod ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang agricultural products.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, sinabi nito na mas lalong naghihirap ang mga magsasaka dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng pagbili ng bigas.
Inihalimbawa nito ang pagbagsak ng farm gate price sa merkado… “Ganyang katanungan ang reflection ng nangyayari sa industriya sa pagkain, taas presyo ng bigas, hindi ma-feel saan ang gobyerno,” dagdag ni Estavillo.
Paliwanag pa niya, “hindi ang magsasaka ang nagta-takda sa presyo kundi ang mga traders, millers, importers na may hawak sa produkto.”
Aniya, kung maayos ang suplay ng bigas sa bansa, bakit dumating sa punto na kailangan nang mag-import ang National Food Authority (NFA) para mapunan ang buffer stock ng bansa.
Nanawagan din si Estavillo para sa pagbasura ng Rice Tarrification Law at rebisahin ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) para mas maging pakinabang sa mga magsasaka.
Dagdagan din dapat ng subsidy ang mga magsasaka na karamihan ay lugi na at nagbebenta ng lupa kaya’t hindi sumasapat ang ani ng butil para sa pangangailangan ng bansa.
Vhin Pascua