Apat sa mga suspek sa Degamo killing, humarap sa pagdinig ng DOJ
Dinala sa DOJ ng NBI ang apat sa mga pinakahuling sumukong suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pang biktima.
Ito ay para sa pagdinig sa mga reklamong murder at frustrated murder laban sa mga ito kaugnay sa nangyaring pamamaslang noong Marso 4 sa Pamplona, Negros Oriental.
Sinabi ng abogado ng pamilya ng mga biktima at mga nasugatan na si Atty. Levito Baligod na muling pinanumpaan ng mga testigo sa panel of prosecutors ang kanilang mga salaysay.
Ayon kay Baligod, sa susunod na hearing sa April 24 ay inaasahan na maghahain ng kontra-salaysay ang apat na suspek.
Nilinaw naman ni Baligod na hindi pa kasama sa respondent sa nasabing reklamo si Congressman Arnolfo Teves Jr. na itinuturo na isa sa mga pangunahing mastermind sa Degamo murder.
Inihayag pa ng abogado na sa tingin niya ay malapit nang maihain ang hiwalay na reklamo ng murder laban kay Teves.
Bukod sa sarili nilang hawak na ebidensya na nagdidiin kay Teves ay may iba pang ebidensya ang DOJ na hindi nito inilalabas.
Moira Encina