Kopya ng kasunduan para sa Balikatan exercises sa Luzon, hinihingi ng Senado
Hinihingi ng Senado ang kopya ng mga kasunduan para sa paggamit ng apat na lugar sa Luzon na pinagdarausan ng Balikatan exercises sa ilalim ng pinalawak na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Estados Unidos.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, kinwestyon ni Senador Imee Marcos ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tunay na pakay ng pagsasanay sa Cagayan at tatlo pang lugar na idineklarang bagong EDCA sites.
Kwestyon ni Marcos kung ang pakay ng EDCA ay para sa humanitarian at disaster response, dapat aniyang sa Guian, Eastern Samar nagsagawa ng Balikatan exercises na madalas daanan ng malalakas na bagyo.
Kung pagtugon naman aniya laban sa mga terorista, dapat ay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) o ilang bahagi ng Mindanao kung saan naghahasik ng karahasan ang mga rebelde isinagawa ang kasanayan.
Kinuwestyon din ng mambabatas kung bakit gumagamit at nagpapaputok na ng anti-tank weapon sa mga Balikatan exercises gayung dapat ay limitado sa capacity building ang kasanayan.
Wala rin aniyang kakayahan ang Pilipinas na mag-produce o bumili ng ganitong uri ng armas at kasangkapan ang sandatahang lakas.
Nangangamba rin ang mambabatas dahil nagpapaputok na ang mga sundalong Amerikano pero walang malinaw na kasunduan o papel o kahit mutual understanding para rito.
Nababahala rin ang Senador dahil batay aniya sa bagong batas o national defense law ng Amerika ay maliwanag na pwede silang maglagay ng stockpile, military assets sa ibat ibang parte ng kaalyadong bansa tulad ng Pilipinas.
Pero depensa ni Defense OIC Secretary Carlito Galvez Jr., strategic ang mga bagong lokasyon na ito dahil mas mapapalakas ang kapabilidad ng militar na rumesponde sa anumang sakuna at anumang banta ng seguridad.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. aniya ang nagsabing palakasin ang external defense ng bansa.
Meanne Corvera