Pagbebenta ng smuggled sugar sa Kadiwa stores, aprubado ng SRA
Pahihintulutan na ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mai-donate ang mga nakumpiskang smuggled na asukal sa mga Kadiwa store at ang pagbebenta nito sa general public.
Upang magawa ito, sinabi ni SRA Board Member Pablo Azcona na inamyendahan ng SRA Board ang ilan sa mga umiiral na memorandum circulars para maisama ang mga nakumpiskang asukal.
Kasama din sa natalakay sa regular meeting ng SRA Board kung paano ita-trato ang mga nakumpiskang asukal dahil sa SRA ay maaring ibenta ito sa pamamagitan ng bidding o sirain.
Sa zoom interview sa mga reporter, sinabi ni Azcona “we now amended it to allow donations to Kadiwa as well as the sale of these by Kadiwa.”
Sa kabuuan ay may 4,000 metriko tonelada ang nakumpiskang refined sugar dahil sa smuggling na handa nang ibenta sa Kadiwa stores, at ipagbibili sa halagang P70 kada kilo.
Ngayong buwan plano ng Department of Agriculture (DA) na ipagbili ang nakumpiskang asukal, pero sabi ni Azcona made-delay ito dahil kailangan pang sumailalim sa testing ang produkto upang ma-determina kung akma para sa human consumption.
Gayunman, nangako ang SRA official na mamadaliin ng SRA at DA ang proseso para masimulan ang pagbebenta.
Bukod sa asukal, plano rin ng DA na ipagbili sa Kadiwa stores ang iba pang nakumpiskang agri products gaya ng bigas at gulay.
Weng dela Fuente