87 Pinoy sa Sudan gusto nang umuwi ng Pilipinas
Humirit ang 87 Pinoy sa Sudan na mailikas at makauwi na sa Pilipinas.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega na ito ang ipinarating sa kagawaran matapos maipit ang mga Pinoy sa patuloy na karahasan sa Khartoum, Sudan.
Si Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago, na siya ring honorary consul ng bansa sa Sudan, ang nangangasiwa sa sitwasyon.
Sinabi ni de Vega na sa ngayon ay nasa 400 ang bilang ng mga Filipino sa African country.
Aabot naman aniya sa 9 na oras ang byahe mula Khartoum patungong Egypt kaya’t pinapayuhan ang mga Pilipino na manatili sa kanilang bahay habang hinahanapan pa ng paraan para matugunan ang kanilang pangangailangan tulad sa pagkain.
Sa mga apektadong Pinoy, maaaring makipag-ugnayan sa Embahada sa pamamagitan ng Facebook sa https://www.facebook.com/phinegypt o sa WhatsApp sa (+20) 122 7436 472.
Weng dela Fuente