7,500 preso sa Bilibid posibleng ilipat sa BuCor regional prisons ngayong 2023
Tinatayang 7,500 inmates mula sa New Bilibid Prison (NBP) ang posibleng mailipat na ngayong taon sa mga kulungan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa mga lalawigan.
Sinabi BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na nakipagpulong na siya sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) para makatuwang sa paglilipat ng mga preso.
Dagdag ni Catapang, ang barko ng Philippine Navy ang gagamitin sa pagbiyahe ng persons deprived of liberty (PDLs).
Inisyal na 500 PDLs mula sa minimum security compound (MinSeCom) ang ililipat sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan.
Kabuuang 2,500 preso ang plano na ilipat sa Iwahig.
Ayon pa kay Catapang, malapit nang matapos ang 10-ektaryang pasilidad sa Iwahig Prison.
Target aniya ng BuCor na maisara at mailipat ang lahat ng PDLs sa MinSeCom ngayong taon.
Kalahati naman aniya ng bilang ng preso mula sa medium security compound ang maaaring mai-transfer din ngayong 2023.
Bukod sa Iwahig, ililipat din ang 2,500 na preso sa Davao Prison and Penal Farm at 2,500 PDLs din sa Leyte Regional Prison o kabuuang 7,500 inmates.
Samantala, sinabi ni Catapang na may isinasagawa silang reclassification ng PDLs sa Bilibid dahil ang iba sa mga nasa Maximum Security Compound ay dapat nang ibaba o ilipat sa ibang security camp.
Idinagdag pa ng opisyal na nagpapatuloy ang konstruksyon ng heinous crime convicts facility sa Mindoro na makakapag-accomodate ng 200 inmates.
Moira Encina