PBBM, hinikayat na linawin ang EDCA sa nakatakdang US visit
Magandang pagkakataon raw ang working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos para talakayin ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Sinabi ni Senador Imee Marcos, Chairman ng Senate Foreign Relations Committee na dapat buksan ng Pangulo ang pagtalakay sa mga bagong terms and conditions (TOR) ng mas pinalawak na EDCA.
Kasama na rito ang probisyon para sa pagbabayad ng Estados Unidos sa paggamit ng mga military facilities sa Pilipinas, proteksyon sa mga Filipina sa banta ng prostitusyon at ano ang makukuhang benepisyo ng mga komunidad sa presensya ng US military sa Pilipinas.
Naniniwala naman ang Senador na hindi na mangangailangan ng ratipikasyon ng Senado ang bagong EDCA.
May nauna na kasi aniyang desisyon ang Korte Suprema na ang EDCA ay isang executive agreement na hindi na kina-kailangang aprubahan ng mataas na kapulungan.
Pero hindi rin aniya maaring balewalain ang mga grupong nagbabantang kwestyunin ito sa Korte Suprema.
Sa ilalim kasi aniya ng Saligang Batas, lahat ng tratado o kasunduan na papasukin ng Pilipinas sa ibang bansa ay dapat ratipikahan ng Senado.
Meanne Corvera