Tiwala ng mga Pinoy sa bakuna bumaba ng 25% – UNICEF
Nabawasan ng 25% ang tiwala ng mga Pilipino sa bakuna para sa mga kabataan sa gitna ng muling pagtaas ng COVID-19 cases.
Sa ulat ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), sinasabing may 67-milyong batang Pinoy ang hindi nakatanggap ng bakuna sa pagitan ng 2019 at 2021.
48 milyon sa mga ito ay hindi nakatanggap ng isang solong regular na bakuna, na may tag na “zero-doses.”
Ipinakita rin ng UNICEF ang Pilipinas bilang pangalawa sa pinakamataas sa East Asia at Pacific Region, sa walang tiwala sa bakuna para sa mga bata at ikalima sa pinakamataas sa buong mundo.
Sa panayam naman ng NET25 TV/radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sinabi ni Dra. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination (PFV) na hindi pa nakaka-recover ang sa naging pagbagsak ng vaccination efforts ng buong mundo.
Nagsimula aniyang bumaba ang tala ng mga batang nababakunahan sa Pilipinas noong 2010 dahil sa naging kampante na rin ang mga magulang, bukod pa sa ilang mga sitwasyong nagdulot ng takot para pabakunahan ang kanilang mga anak.
“From 2010 bumalik [ang tigdas] dahil ang mga nanay nag-upisang naging kampante, dumating mga bagyo gaya ng Yolanda, kumonti ang nagpabakuna, then yung Dengvaxia at COVID-19, nung 2019 kung natatandaan nyo, ang daming namatay na bata dahil sa tigdas, nagkaroon pa ng polio na dati wala na nung 2000 pa,” pagdidiin ni Dr. Bravo.
Ngayong huling linggo ng Abril, ginugunita ang World Immunization Week na naglalayong i-highlight ang mga kailangang gawin para ma-protektahan ang mga tao, lalo na ang mga bata laban sa mga nakakahawa at delikadong mga sakit.
Paglilinaw ni Dr. Bravo, libreng ma-a-avail ang mga bakuna sa mga health center at kung naubusan naman ng bakuna ay maaaring umugnay sa mga local government units (LGUs) para matukoy ang mga lugar na may sobrang bakuna.
“Libre yan {bakuna] at dapat accessible, importante lahat accessible, sometimes ang problema sa ibang lugar nagkakaroon ng surplus dahil hindi dumadating ang mga nanay, dyan kailangan ang malakas na campaign lalo na ng LGU, we put our LGU people to task para tingnan anong barangay ang gumagawa ng trabaho sa bakuna,” paliwanag pa ng health expert.
Sa kabila namang ng sinasabing kawalang tiwala ng mga Pilipino sa bakuna, binigyang-diin pa rin ng UNICEF nag pangkalahatang suporta para sa mga bakuha kasabay ng paghimok sa mga Pilipina na tuloy na tangkilikin ito.
Weng dela Fuente