Crop insurance ng gobyerno, ipinare-repaso sa Senado
Ipinare-repaso ni Senador Joel Villanueva ang crop insurance ng gobyerno para sa mga magsasaka ngayong nagbabanta ang El Niño phenomenon.
Sa inihaing Resolution no. 549, hiniling ni Villanueva na busisiin ang estado at mga patakarang ipinatutupad ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC),ang ahensyang nagbibigay ng insurance sa ilalim ng pitong agricultural insurance lines.
Kabilang rito ang bigas, mais, high-value crops at aquaculture.
Nababahala ang mambabatas sa ulat na nahihirapan ang mga magsasaka na makapag-claim ng insurance dahil sa napakahabang proseso na kinakailangang pagdaanan.
“The government must ensure the accessibility, availability and sufficiency of safety nets to protect the livelihood of filipinos employed in agriculture and the food security of the entire country,” sabi pa ni villanueva sa resolusyon.
Kwestyon ng mambabatas kung ano ang katiyakan na mabibigyan ng insurance ang mga magsasaka na maaaring maapektuhan ng El Niño.
Sinabi ni Villanueva, batay sa report ng Department of Agriculture, umabot na sa P746-million ang pinsala dahil sa weather disturbances hanggang nitong Enero ng 2023 na maari pang madagdagan kapag pumasok na ang El Niño.
Iginiit ng Senador na dapat tiyakin ng gobyerno na may safety nets para protektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Apela naman ni Senador Cynthia Villar na simulan na National Irrigation Administration ang proyekto para sa mga rain impounding facility para bawasan ang hagupit ng El Niño.
“That’s a very practical solution na kapag rainy season ipunin mo yung tubig tapos yun ang gagamitin mo that will soften the blow of El Niño,” dagdag pa ni Villar.
Meanne Corvera