Power outage sa NAIA, pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan na sa Senado ang nangyayaring tila rotational brownout sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Bukod sa nangyaring power interruption nitong Lunes ng madaling-araw, May 1, naulit pa ang brownout alas-4:00 ng hapon na tumagal ng 20 hanggang 30 minuto.
Nababahala si Senador Joel Villanueva sa nangyayaring power interruption na pumipinsala aniya sa biyahe ng libu-libong pasahero at nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Pinagpapaliwanag ng Senador ang Department of Transportation (DOTr), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Manila International Airport Authority (MIAA) kung bakit pinayagang tumagal ng walong oras ang brownout na nataon na naman na holiday kung kailan maraming pasahero.
Para kay Senador Grace Poe hindi katanggap-tanggap na tuwing may brownout ay maaantala ang buong sistema ng paliparan.
Naniniwala ang mga Senador na dapat may managot sa nangyaring kapalpakan.
Meanne Corvera