FAPSA, humingi ng pang-unawa sa hirit na tuition fee hike
Humingi ng pang-unawa ang grupo ng mga pribadong eskuwelahan sa hirit nilang pagtataas sa tuition fee sa susunod na school year.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo Program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni Eleazar Kasilag, presidente ng Federation of Associations of Private School & Administrators (FAPSA) na hindi maikaka-ilang maraming pribadong eskuwelahan ang nagsara dahil nalugi sa panahon ng COVID-19 Pandemic.
Ang ibang eskuwelahan hanggang ngayon aniya ay may mga pautang pang singilin sa kanilang mga estudyante.
“Sa palagay ko, pagbigyan muna kaming private schools na humingi ng konting dagdag, ilang taon ang pandemic, naramdaman namin, hindi kami nakapaningil, marami walang trabaho, may mga bayarin pa sa amin, kami naman hindi rin pwede tumigil sa gastusin sa pangangailangan ng mga bata,” paliwanag ni Kasilag.
Paliwanag pa ni Kasilag hindi rin totoong sa mga administrator ng eskwelahan napupunta ang dagdag singil.
Sa tuwing magtataas aniya ng singil sa eskwelahan ay tumataas din ang sweldo ng kanilang mga guro.
Sa ngayon ay nakikipag-kumpetensya din aniya sila sa public schools dahil naglilipatan na rin sa pampublikong eskwela ang mga private school teachers dahil sa mas magandang pa-sweldo.
Bukod dito, kailangan din aniyang ayusin ang mga pasilidad na napabayaan noong nagsara ang mga eskwelahan dahil sa pandemya
“Sa tuition fee increase, alalahanin din sana kami, kung sakali na alternative kami sa mga public schools, we welcome din, para sa ikatataguyod ng programa, we maintain quality education, pagbigyan kami sa anggulo na yun, hindi naman napakalaki ng tuition fee increase,” dagdag pa ng FASAP chief.
Paliwanag pa ni Kasilag, sakali mang mapahintulutan sila sa tuition fee hike, hindi rin napapayagan ng Department of Education (DepEd) at ng Commission on Higher Education (CHED) ang porsyentong kanilang hinihingi.
Sa ilalim ng DepEd at CHED memorandum, hindi tataas sa 15% ang tuition fee increase na maaaring ipataw ng mga pribadong eskwelahan.
Pero sabi ni Kasilag, wala pa ngang eskwelahan ang humirit ng higit sa 10% dagdag dahil sa nauunawaan din ang lagay ng mga magulan na ang iba ay nawalan din ng trabaho dahil sa pandemya.
Bukod dito, tinitiyak din aniya ng mga school administrators na may kaukulang konsultasyon sa mga mag-a-aral at magulang anuman ang dagdag na singilin sa mga paaralan.
Weng dela Fuente