Arawang kaso ng COVID-19 nasa 637 – DOH
Umaabot sa 637 ang average nang arawang kaso ng COVID-19 sa bansa noong nakaraang linggo.
Sinabi ng Department of Health (DOH) na mas mataas ito ng 42% kumpara sa 450 average daily cases mula Abril 17 hanggang 23, 2023.
Mga Eskwela balik sa Blended Learning
Dahil sa mataas na kaso ng COVID-19, ilang eskwelahan sa Metro Manila, gaya ng Adamson University, ang nag-abiso sa kanilang mga estudyante na ibabalik muna ang online class mula simula ngayong May 2 hanggang 6.
Sa panahong ito ay isasa-ilalim sa disinfection ang mga classrooms at laboratoryo ng eskwelahan.
Precautionary measure umano ito dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 sa Maynila na umabot sa 164 ang aktibong kaso.
Pagbabalik ng Mandatory Face Mask
Muli namang lumutang ang mga panawagan na ibalik ang mandatory facemask policy ng pamahalaan.
Sagot ng DOH, suportado naman nila ang mga panawagan para sa pagsusuot ng facemask pero hindi nila inirerekumenda na gawin itong mandatory.
“Itong sinasabi na kailangang mag-mandate ulit ng mask, tulad ng sinabi namin kanina we recommended to the Office of the President (OP) na hindi kalangang ibalik ang mandato, kailangan ma-shift ang mindset ng kababayan natin na tataas-bababa ang kaso sa bansa. Nandito pa ang virus, hindi pa nawawala, nagmu-mutate talaga ang virus and produce variant“, tugon ni Health OIC Ma. Rosario Vergeire sa tanong ng media.
Sa pagtaya ng DOH posibleng umabot pa ng hanggang 600 ang arawang kaso ng COVID-19 sa bansa Hunyo.
Pero pagkatapos nito, inaasahan daw nilang pababa na ang mga kaso.
Ang mahalaga ayon sa DOH ay matuto ang publiko na proteksyunan ang saril lalo na sa mga lugar na may high-risk ng impeksyon sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemask.
Sa monitoring ng DOH, ang mataas na mobility o bilang ng mga lumalabas, summer outings, at mga variant ng COVID-19 ang nakaka-apekto sa pagtaas ng mga kaso.
Madelyn Moratillo