Full electrical audit sa NAIA T3 ikinukonsidera dahil sa power outage
Planong isailalim sa full electrical audit ng Department of Transportation (DOTr) ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kasunod ng power outage noong Lunes, May 1.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na layunin nitong maiwasan ang mga kaparehong pangyayari at matukoy din ang tunay na dahilan ng aberya sa suplay ng kuryente.
Aminado ang kalihim na kakailanganin din ng malaking pondo sa audit at ito ay idadaan sa regular na procurement na nakasaad sa batas.
Hindi pa masabi ng DOTr kung kailan masisimulan ang electrical audit at kung magkano ang maaaring gugulin para rito.
Tinatayang aabutin ng 60 hanggang 90 araw ang full electrical audit sa T3 pero tiniyak ng DOTr na wala itong magiging epekto sa operasyon sa terminal.
Sinabi naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) na dapat ay kada limang taon ang electrical audit sa NAIA terminals.
Noong 2017 pa ang huling electrical audit sa T3 at hindi ito naisagawa noong 2022.
Naniniwala si Bautista na panahon na para sa full audit sa terminal at marepaso ang operasyon ng T3 lalo na’t hindi na akma sa design capacity ang dami ng concessionaires doon kaya lumalaki rin ang power requirement.
Moira Encina