OFW Day isinulong sa Kamara
Inihain ngayon sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na magdedeklara sa December 18 ng bawat taon bilang Overseas Filipino Workers Day.
Nakapaloob ito sa House Bill 7903 na inihain ni Congresswoman Marisa del Mar Magsino.
Nais ni Magsino na lubos na kilalanin ang sakripisyo at kontribusyon ng mga OFWS sa ekonomiya ng bansa na itinuturing na mga bagong bayani.
Sinabi ni Magsino noong December 18, 1990 ay pinagtibay ng United Nations General Assembly on the International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families kaya ang petsang ito ay ginugunita bilang International Migrant Day.
Ayon kay Magsino batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) mayroong 1.8 milyong documented OFWS ang nakakalat sa ibat-ibang mga bansa sa mundo.
Inihayag ni Magsino na noong kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 pandemic, umabot sa $34.8-billion ang remittances ng mga OFWS ang bumuhay sa ekonomiya ng Pilipinas kaya marapat lamang na maglaan ng isang araw kada taon para kilalanin ang kanilang sakripisyo at kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.
Vic Somintac