Bisita sa mga preso sa Bilibid at CIW suspendido dahil sa COVID-19
Halos 50 inmates sa New Bilibid Prisons (NBP) ang nagpositibo sa COVID-19.
Ito ay batay sa ulat ni Bureau of Corrections (BuCor) Health Services Director Dr. Ma. Cecilia Villanueva kay BuCor Chief Gregorio Catapang Jr. ukol sa resulta ng COVID test sa mga preso.
Sa 407 bilanggo na isinailalim sa test noong Mayo 2, 32 ang nagpositibo sa sakit.
Umabot naman sa 16 persons deprived of liberty (PDLs) ang COVID positive mula sa 174 preso na isinailalim din sa test sa sumunod na araw.
Karamihan sa mga positibo sa virus ay nasa Maximum Security Compound bagama’t asymptomatic o mild cases lang ang mga nasabing PDLs.
Inilipat na ang mga ito sa isolation ward sa NBP.
Tiniyak ng BuCor na tuluy-tuloy ang contact tracing sa maximum compound para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Kaugnay nito, iniutos ni Catapang ang suspension ng visitation privileges sa Bilibid at Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Moira Encina