COVID positivity rate sa Metro Manila, posibleng umakyat sa 25%
Posibleng pumalo sa 25% ang positivity rate ng National Capital Region (NCR).
Ito ang projection ni Dr. Guido David, fellow sa OCTA Research Group matapos na umakyat pa sa 19.7% ang 7-day testing positivity rate ng Metro Manila hanggang noong May 2, 2023.
Ang nasabing porsyento ay mataas ng 7% sa 12.7% positivity rate na naitala noong April 25.
Gayunman sinabi ni David na bagama’t tumaas ng bahagya ay nananatili pa ring mababa ang NCR Hospital Occupancy Rate sa 24.7% noong May 2, kumpara sa 22.5% noong April 25, 2023.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni David na posible ngang pumalo na sa mahigit 20% ang positivity rate ng NCR.
Mas mababa rin aniya ang bilang ng mga nate-test ngayon kumpara noong nakaraang taon.
Kaya sinabi ni David na mas posibleng doble o triple pa ang bilang ng mga nagkaka-impeksyon kumpara sa mga naiu-ulat.
“Almost 20% na ang positivity rate sa Metro Manila, and sa other provinces nearby, sa Cavite at sa Laguna more than 20% na, naka-high positivity rate na. Of course may mga nagsasabi mababa na ang number of cases, mababa ang cases kasi konti lang ang nate-test. We’re only averaging 3,000 per day sa Metro Manila, last year at this time we are averaging 12,000 test per day, so times for agad,” paliwanag ni Dr. David.
Kung imu-multiply aniya ang bilang ng mga kaso ay lalabas na hindi mababa ang bilang ng mga nai-impeksyon.
“We’re not seeing the full extend, but they can see it on the ground,” dagdag pa ni David.
Bagamat mababa pa rin ang hospitalization rate, marami pa rin ang nagkakasakit na hindi naiu-ulat.
Sa opinyon ni David, ang Arcturus o ang XBB.1.16 na sub-lineage ng Omicron subvariant ang dahilan sa mabilis na pagtaas ng virus infection sa bansa.
“Kaya ko nasabi yan, kasi mayroon akong mga friends na nagreport o nagsabi sa akin na they were positive and nagkaroon sila nung conjunctivitis or sore eyes, at yun nga mataas yung incidents na yan sa Arcturus,” paliwanag pa ng OCTA Research fellow.
“So, my guess is kumakalat na siya rito, and its highly transmissible, that’s why we’re seeing increasing numbers. In fact yung reproduction number sa Metro Manila nasa 1.75 na, so mabilis ang pagkalat nya at this time,” dagdag pa ni David.
Kaya kahit nasa 5% lamang ang severity ng mga kaso, posibleng tumaas din ang magkakaroon ng severe case.
Tinaya rin ni David na posibleng mag-peak ang COVID cases sa bansa sa huling linggo ng Mayo at unang linggo ng Hunyo.
Weng dela Fuente