PBBM makikipagpulong kay UK PM Sunak sa sidelines ng koronasyon kay King Charles III
Matapos ang 5-day official visit sa Washington D.C., agad na dumirecho sa United Kingdom si Pangulong Ferdinand Marcos para daluhan ang coronation ni King Charles III.
Sa media briefing, sinabi ni Pangulong Marcos na personal niyang sasaksihan ang coronation ni King Charles dahil personal silang magkakilala.
“Isa sa pinakamalaking dahilan, kilala naming si Prince Charles pa pagkakilala ko sa kaniya, kaming lahat, nung namatay si Queen Elizabeth hindi ako nakapunta, ang ipinadalako ang kapatid ko na si Irene nakilala rin ni King Charles. Dapat naman, malaking bagay na kokoronahan siya,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Kinumpirma rin niya na nakatakda silang mag-usap ni UK Prime Minister Rishi Sunak ngunit ito ay sa sidelines lamang ng reception o coronation ng bagong hari ng Inglatera.
Sinabi ng Pangulo na nais niyang alamin kung may pagbabago sa pag-iisip ni PM Sunak sa relasyon nito sa Pilipinas.
“I think in general we will maintain the same relationship, it has been a relationship very advantageous to all parties involved, I think we will stay the course and will continue to deal with each other in a very similar way that we have done before,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.
Isa sa inaasahan niyang pag-uusapan ay ang ukol sa pangangailangan ng UK para sa mga Filipino healthcare workers.
“I’m sure kung pwede makakuha ng healthcare workers sa PIlipinas, nung pandemic sumikat ang healthcare workers na Pilipino/Pilipina, lahat ng bansa ay umaasa at nagtatanong kung pwede paramihin ang ipinapadala natin, isang bagay yun,” paliwanag pa ng Chief Executive.
Bukod kay PM Sunak, may ibang world leaders din ang humiling na makausap ng Pangulo.
At kahit sa sidelines lang ng koronasyon magaganap ang mga pagpupulong, hindi raw ito maaaring maliitin.
“That’s what’s going to happen this time, again very casual, very informal, pero huwag nating mamaliitin yang ganyang meeting, Yung hindi mo aakalaing mangyayari may malaking mangyayari pala, so very open tayo na makipagusap sa lahat, baka sakali may Makita tayong pagkakataon na makatulong sa PIlipinas,” pagtatapos pa ng Pangulo.
Weng dela Fuente