Patutsada ng China sa isyu ng South China Sea, hindi raw sa Pilipinas kundi sa US – PBBM
Hindi raw tinatamaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naging komento at batikos ng China sa binuong Bilateral Defense Guidelines sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa isang news briefing sa Washington bago tumulak papuntang United Kingdom para daluhan ang koronasyon ni King Charles III, sinabi ni Pangulong Marcos na sa halip sa Pilipinas, ipinapatungkol ng China ang komento sa Estados Unidos.
Inilarawan ng Chinese foreign ministry na isang panghihimasok sa South China Sea ang bagong Defense Guidelines na makakasama sa territorial sovereignty at maritime rights ng Beijing.
Nanawagan din ang China na huwag gawing “hunting ground” ng mga pwersang nasa labas ng rehiyon ang South China Sea.
“I don’t feel alluded to, how can anyone say that we’re not a party in interest on all these issue. I think that kind of statement is directed more towards the United States rather than in the Philippines,” pagliliwanag ni Pangulong Marcos.
“Hindi naman masasabi na walang karapatan ang Pilipinas na gawin lahat yun kaya yang statement na yan, tingin ko hindi naka-direct sa Pilipinas,” dagdag na paliwanag ng Chief Executive.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos na ang mga hakbang ng Pilipinas para mapalakas at mapatatag ang relasyon sa Estados Unidos ay kailangan para sa bagong oportunidad sa mga mamamayan nito.
“I think The Philippines action in continuing to strengthen our capabilities, to continue to find and forge partnership with US both in governmental and also in the private sector that we have spoken to is an important part of what we have been trying to developed in the past, almost one year, and that is I think only right and proper, because the Philippines need to do this if we are going to go forward, and find a new opportunities for our people,” katwiran pa ng Punong Ehekutibo.
Layon ng Bilateral Defense Guidelines na i-modernize ang alliance cooperation ng PIlipinas at US para sa “free and open Indo-Pacific Region.”
Sa ilalim ng binuong Bilateral Defense Guidelines, tinukoy na anomang armadong pag-atake sa pwersa ng Pilipinas saan mang panig ng Pasipiko at maging sa South China Sea ay sakop at maaaring i-invoke ang 1951 Mutual Defense Treaty.
Pinalalawig din sa Guidelines ang maritime security cooperation ng dalawang bansa sa pamamagitan, ngunit hindi nililimitahan, sa joint patrols.
Weng dela Fuente