Maharlika Fund Bill nangunguna sa 11 bagong priority bills
Aprubado ni Pangulong Ferdinand Marcos na maisama sa priority legislation ng kaniyang administrasyon ang 11 panukalang batas, kabilang ang proposal para sa pagtatatag ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa statement, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na layunin ng mga panukala na tugunan ang mga usapin sa public health, job creation at economic growth stimulation.
Ngayong Lunes, May 8, nag-resume ng sesyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso matapos ang ilang linggong bakasyon.
Sa kabuuan, nasa 42 ang bilang ng panukalang isinailalim sa Common Legislative Agenda (CLA) na pinagkasunduan sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Bukod sa Maharlika Fund, kasama rin sa 11 panukala na isusulong ang amendment sa Armed Forces of the Philippines (AFP) fixed term law; Ease of Paying Taxes; Local Government INit Income Classification; amendment sa Universal Health Care Act; Bureau of Immigration Modernization; Infrastructure Development Plan/Build Build Build program; Philippine Salt Industry Development Act; Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting Stystem; National Employment Action Plan; at amendment sa Anti-Agricultural Smuggling Act.
Ang Maharlika Investment Fund ay Philippine sovereign wealth fund na gagamitin para sa investment sa loob at labas ng bansa.
Sa ilalim ng panukala, tinukoy ang Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Gaming and Amusement Corporation (PAGCOR) at dibidendo mula sa Bangko Sentral ng Pilipina (BSP) bilang contributor sa MIF seed money.
Sa bahagi naman ng Senado, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri makakasama sa priyoridad na aasikasuhin ng Senado ang legislated wage hike at Maharlika Fund bill.
Sisimulan ng Senado ang deliberasyon sa panukalang P150/daily minimum wage at suportado ito ng mga senador na naniniwalang masyadong mababa ang P570/daily wage.
Plano naman ng Kamara na aprubahan ang natitirang walo mula sa 31 LEDAC bills bago mag-adjourn sine die ang Kongreso sa July 2, 2023.
Kabilang sa 8 LEDAC bills na ito ang: panukalang pagtatatag ng Regional Specialty Hospitals; enabling law para sa Natural Gas Industry; National Land Use Act; Budget Modernization Act; panukalang pagbuo ng Department of Water Resources and Services (DWRS) at Water Regulatory Commission (WRC); National Defense Act; amendments sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA); at panukalang unified system of separation, retirement and pension for uniformed personnel.
Weng dela Fuente