Pagbuo ng super body AIDA isinulong sa Kamara para protektahan ang bansa sa AI
Hinikayat ni Surigao del Norte Congressman Robert Ace Barbers ang mga kapwa mambabatas na apurahin ang pagpapatibay ng batas na magre-regulate sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI).
Ayon kay Barbers kailangang madaliin ang pagpasa ng batas na lilikha ng isang superbody na po-protekta sa publiko laban sa umuusbong na global technological phenomenon na Artificial Intelligence.
Ginawa ni Barbers ang panawagan kasunod ng naging pagbubunyag ng dating Google Engineer na si Geoffrey Hinton na kabilang siya sa mga bumuo ng mapanganib na teknolohiyang Artificial Intelligence.
Iginiit ni Barbers hindi niya nais na ma-alarma ang publiko ngunit batay sa pahayag ni Hinton hindi na mapigilan ang paggamit ng Artificial Intelligence dahil sa malaking tulong na maibibigay nito sa makabagong panahon.
Gayunman mahalagang mahalagang ikunsidera din ang seryosong banta at panganib na pwedeng idulot nito sa sangkatauhan.
Dahil dito inihain ni Barbers ang House Bill 7396 ang panukalang batas na lilikha sa Artificial Intelligence Development Authority o AIDA.
Niliwanag ni Barbers, magsisilbing superbody ang AIDA na siyang mangangasiwa sa development at implementasyon ng national Artificial Intelligence strategy.
Nagpahayag ng pangamba si Barbers ngayong lumabas na ang bagong teknolohiya na Artificial Intelligence dahil hindi aniya malayong magamit ito sa kasamaan upang maghasik ng iba’t-ibang uri ng criminal schemes gaya ng financial scams, drug trafficking at large scale extortion.
Vic Somintac