VP Sara itinalaga bilang co-chairman ng NTF-ELCAC
Uupo na bilang co-vice chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) si Vice President Sara Duterte.
Inanunsyo ni National Security Adviser Eduardo Año ang pagtatalaga kay Duterte sa kaniyang bagong pwesto matapos pagtibayin ng NTF-ELCAC ExeCom.
Sinabi ni Año na ang hindi matatawarang commitment ni VP Sara sa hangarin ng ahensya ay walang dudang makakatulong at mahalaga para sa Task Force.
Kasabay nito ang pagpapasalaman ni Año sa pagtanggap ng bise-presidente sa posisyon.
Sa statement, sinabi ni VP Sara na isang pagpapakita ng lakas ang pagtatalaga sa kaniya sa NTF-ELCAC.
“This is a show of force — a clear, strong, and powerful statement and warning — against the enemies of the state who slaughter civilians and Indigenous Peoples, abduct and murder and execute members of our security forces, and attempt to pin down our progress as a nation through their ideals anchored on brainwashing, fear, and terrorism,“ aniya sa kanyang mensahe para sa unang NTF-ELCAC executive committee meeting sa Malacañang.
Hindi na bago sa Bise-Presidente ang anti-insurgency task force, na binuo sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 70 na nilagdaan ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mula nang maluloklok, ang paglaban sa terorismo at insurhensya na ang kanyang naging rallying call. Dapat aniyang matapos na ang tinatawag na protracted war.
Sa ilalim ng EO 70, ang NTF-ELCAC ay inorganisa ng gobyerno upang tumugon at magbigay ng kamalayan sa patuloy na kalupitan na ginagawa ng rebeldeng New People’s Army (NPA).
Gayunpaman, laging nasasangkot ang ahensya sa kontrobersiya dahil umano’y red-tagging ng mga aktibista, kritiko, at maging ng ilang showbiz personalities.
Bilang Education Secretary, binigyang-diin ni Duterte ang papel ng pagtuturo sa mga kabataan sa pagtugon sa mga isyu ng insurhensya at terorismo.
“We cannot let them continue preying on the innocence and idealistic nature of the Filipino youth,” diin niya.
Babala naman ni Duterte na huwag tumigil sa isinasagawang efforts para wakasan ang labanan ng mga komunista sa kabila ng lumiliit na bilang ng mga komunistang grupo sa bansa.
Gayunpaman, pinuri niya ang NTF-ELCAC dahil sa pananatili nitong mapagmatyag at proactive na isinasaayos ang mga hakbang laban sa pagtatangkang kaguluhan ng mga komunistang grupo.
Nanawagan din ang Bise Presidente ng whole-of-government at whole-of-nation approach laban sa “despicable ways” ng Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA-National Democratic Front (NDF).
Si Duterte ay nagsisilbing government caretaker habang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay dumalo sa ASEAN regional bloc summit sa Indonesia.
Weng dela Fuente