China atubiling makipagtulungan para mapauwi ang mga mamamayan nilang sangkot sa human trafficking – DOJ
Aminado ang Department of Justice (DOJ) na problemado ang gobyerno sa deportasyon at repatriation sa nasa 1,000 trafficking victims na nasagip sa cyber scam hub sa Pampanga.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nakasalalay ang pagpapa-deport at repatriation sa mga banyaga sa country of origin ng mga ito.
Pero may mga bansa aniya partikular ang Tsina na hindi cooperative para maipa-deport o mapabalik agad sa kanilang bansa ang mga mamamayan nito.
Isa rin aniya sa mga hamon sa DOJ at sa iba pang ahensya ng gobyerno ay ang dokumentasyon sa mga dayuhan lalo na’t ang 500 sa mga ito ay hindi hawak o hindi alam kung nasaan ang kanilang pasaporte.
Bukod dito ay kailangan na pakainin, bigyan ng damit at matiyak na maayos ang kalagayan ng foreign nationals.
Sinabi pa ni Remulla na nagre-resulta na ito sa isang humanitarian crisis.
Ang mga pinanggaling bansa ng mga nasagip na biktima at nahuling suspek ay sa China, Hong Kong, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Nepal, Taiwan, Thailand, at Vietnam.
Pinauwi naman na ng mga otoridad ang mga Pinoy na biktima.
Moira Encina