Pilipinas nanindigang hindi isasara ang shelter para sa distressed OFWs sa Kuwait
Tutulak ngayong gabi o bukas ng umaga ang binuong team ng Pilipinas para makipag-negosasyon sa Kuwaiti government sa isyu ng sinuspinding new entry visa sa mga manggagawang Filipino.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega na layon ng misyon na mapag-usapan ang problema at maresolba.
Bagama’t walang sinabing dahilan ang Kuwaiti government sa pagsuspinde ng new entry visa, aminado si Usec. De Vega na mainit itong pinag-uusapan sa Kuwaiti news.
Sa maraming filler din na nakarating sa Embahada ng bansa sa Kuwait, isa sa tinutukoy na paglabag sa 2018 Labor Agreement sa pagitan ng dalawang bansa ang ukol sa shelter ng bansa para sa mga distressed Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nasabing bansa.
“Yun ang sinasabi sa Embahada, ipinapa-alalanila yung supposedly, nung nagkaroon ng negotiations noong 2018, may pangako daw tayo na isasara ang shelter,” paliwanag ni Usec. De Vega.
Pero nanindigan ang gobyerno ng Pilipinas na hindi isasara ang shelter.
“Hindi natin isinara at hindi isasara dahil may obligasyon tayo sa batas na kailangang bigyan ng silong ang mga OFW na run-away na naa-abuso o ayaw mahuli ng pulis,” pahayag pa ng opisyal.
Isa sa tingin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na inirereklamo ng Kuwaiti authorities ay ang patuloy na pagsikip ng shelter.
Kaya ang ginawa ng Pilipinas ay inilipat sa ilang hotel ang mga distressed OFWs na binabayaran ng Philippine Overseas Labor Office (POLO)
Pero dahil sa nabalitaan ng Embahada na nilalakad ng Kuwait na ma-raid ang mga hotel na tinutuluyan ng mga OFWs ay ibinalik sila sa shelter kahit na sila ay siksikan na.
“Yun ang ayaw ng Kuwait, yun ang alam namin, last weekend, nung Saturday inilipat ulit sila [OFW] sa shelter, magsisiksikan na sila kasi 460 plus na, hindi na sila sa hotel, technically pwede sila i-raid sa hotel.. habang kumukuha sila ng warrant, inilipat natin ulit sa shelter,” dagdag pa ng DFA official.’
Kung DFA lang aniya ang masusunod, mabilis nilang pauuwiin sa bansa ang mga distressed OFWs, pero kailangan din aniya ang exit permit mula sa Kuwaiti government.
Ang proseso aniyang ito ay tumatagal ng dalawa hanggang tatlong buwan kaya’t naiipon din ang mga OFWs sa shelter.
At kung may sampung napapa-uwi, may dumadagdag namang 20 na tumatakas dahil sa iba’t ibang reklamo at pang-aabuso ng kanilang mga amo.
Sa kabuuan ay may 275,000 ang tala ng legal na manggagawang Pilipino sa Kuwait, habang may 5,000 ang undocumented.
Umaasa naman si de Vega na maaayos ang gusot sa pamamagitan ng diplomasya at negosasyon.
Weng dela Fuente