PBBM aprubado ang pag-aangkat 150,000 MT ng asukal
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pag-aangkat ng hanggang 150,000 metric tons (MT) ng asukal.
Ginawa ng Pangulo ang desisyon matapos ang rekomendasyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) para tiyakin ang matatag na presyo ng asukal at mapataas ang imbak ng bansa.
“We agreed to additional importation of sugar to stabilize the prices. Maximum amount will be 150,000 MT but probably less,” pahayag ng Pangulo ayon sa statement na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO)
Nakipagpulong sa Malacañang nitong Lunes, May 15, sina SRA Acting Administrator Pablo Luis Azcona at Board Member Ma. Mitzi Mangwang, na kumakatawan sa millers.
Kaharap din sa pagpupulong sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile at SRA Board Secretary Rodney Rubrica.
“The exact amount will be determined once we have determined the exact amount of supply, which will come at the end of this month,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.
Bubuksan din aniya ng gobyerno ang importation ng asukal sa lahat ng traders.
Ayon sa SRA forecast inventory, magkakaroon ng negative ending stock ang bansa na 552,835 MT sa katapusan ng Agosto, ang pagwawakas ng milling season.
Bagama’t tiniyak ng SRA na may sapat na raw sugar supply ang bansa na nasa 160,000MT hanggang noong May 7, hindi raw sasapat sa demand ng bansa ang local production maging ang mga naunang utos para sa sugar importation.
Inaasahang makakapag-produce ang bansa ng 2.4 Million MT ng asukal bukod pa sa 440,000 MT na aangkatin sa ilalim Sugar Order (SO) no. 6, gayundin ng 64,050 MT sa ilalim ng Minimum Access Volume (MAV) mechanism, ngunit di raw ito sapat para punan ang 3.1Million MT demand ng bansa.
Bukod sa importasyon, inaprubahan din ni Pangulong Marcos ang paglilipat ng milling season mula Agosto sa Setyembre ng taong ito.
“That’s important for the corresponding increase in production by approximately 10 percent,” sinabi pa ng Chief Executive.
Inatasan din ni Pangulong Marcos ang SRA na pabilisin ang block-farming initiatives para mapataas ang produksyon.
Sa sandaling ma-organisa bilang block farms, ang mga magsasaka ay tatanggap ng financial at mechanization support para mapataas ang kanilang produksyon.
“Consolidation is an important part of agro-industrial production. We’re looking at increasing the budget for block farming to accelerate the process of organizing the block farms,” pagdidiin pa ng Pangulo
Weng dela Fuente