Security concern sa NGCP ipinarating ng isang Senador kay PBBM
Nakipag-pulong si Senador Raffy Tulfo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para ilatag ang kasalukuyang energy security ng bansa
Sinabi ni Tulfo sa Pangulo ang kaniyang pagkabahala na 40% ng ownership sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay pag-aari na ng State Grid of China na isa aniyang malaking banta sa national security.
Batay sa intelligence report, sinabi ni Tulfo na may kapabilidad ang China na ma-access ang national grid at maaaring ma-sabotahe.
Sa planta ng NGCP, sinabi ng mambabatas na nakapaskil ang mga instructions tungkol sa operasyon ng mga sensitibong equipment kasama na ang mga manual .
Pero nakasulat ito sa lenggwaheng Chinese at wala ni isang Filipino technician ang nakaka-intindi at nakak-aalam kung paano ito i-o-operate.
Iminungkahi ni Tulfo sa Pangulo na ibalik sa National Transmission Corporation (NTC) ang operasyon ng transmission grid at ang mai-iwan lang ay ang maintenance sa NGCP.
Sinabi ng mambabatas na maramig na ring naging paglabag ang NGCP sa kanilang prangkisa kabilang na ang hindi pagsunod sa timely development at connectivity sa main grid ng mga energy power sa mga lalawigan.
Dagdag pa ng Senador, bilyon-bilyong piso rin sa kinikita ng NGCP ang napupunta sa mga shareholder at hindi para sa system development.
Bagamat 40% lang ang hawak ng mga Chinese shareholder, sa ilalim ng kanilang shareholder’s agreement, sila ang may kapangyarihang mag-veto o mag-basura ng board resolution ng majority shareholders.
Sinabi ni Tulfo na nangangahulugan itong sila ang masusunod sa pamamalakad sa NGCP.
Meanne Corvera