Higit 96% ng SIM owners ang nagparehistro na – DICT
Umaabot na sa 95 hanggang 96% ng SIM card owners na inaasahang magpaparehistro ng kanilang SIM cards ang nakapagregister na.
Ito ang iniulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Hanggang noong May 10, iniulat ng DICT na umaabot na sa mahigit 95 million ang nairehistrong SIM cards.
Hindi naman inaasahan ng National Telecommunications Commission (NTC) na 100% ng nasa 168 million SIM owners ang magpaparehistro.
Sa karanasan umano ng ibang bansa na nagpatupad din ng SIM registration, sinabi ni NTC Deputy Commissioner Jon Paolo Salvahan na umaabot lamang sa 70% ang average percentage ng registered subscribers.
Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, may 180 days o hanggang April 26, 2023 ang mga subscribers para magrehistro ng kanilang SIM ngunit inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 90-day extension nito hanggang July 25, 2023.
Ang mga hindi makakapagrehistro ay magreresulta sa deactivation ng kanilang SIM o hindi na magagamit ng subscriber ang kanilang SIM sa tawag at text messages, gayundin hindi na maa-access ang kanilang mobile applications at digital wallets.
Weng dela Fuente