31 opisyal at empleyado ng kumpanyang sangkot sa paggawa ng mga pekeng resibo , kinasuhan sa DOJ
Photo: facebook.com/dojphilippines.official/
Umaabot sa 31 opisyal at tauhan ng Brenterprise International Inc. ang inireklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) dahil sa umano’y paggawa ng pekeng resibo.
Pangunahin sa mga sinampahan ng mga reklamo ang presidente ng Brenterprise na si Bernard Lu Chong.
Si Chong at ang 30 pang respondents ay ipinagharap ng mga reklamong falsification of commercial documents, fraudulent conduct of business, printing of fraudulent receipts or sales or commercial invoices, at acting as intermediaries for graft and corrupt practices.
Nagsagawa ng imbestigasyon at surveillance ang NBI sa kumpanya matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa reliable source.
Napag-alaman sa imbestigasyon ng NBI na sangkot ang Brenterprise na 15 taon nang nag-o-operate sa paggawa ng mga pekeng resibo, sales invoice, billing statements, vouchers, collection receipts, at delivery receipts.
Ibinibenta naman ito ng kumpanya sa mga kliyente nito upang makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Sa nasabing modus na tinawag ng NBI na “Input VAT receipt for sale,” ibinibigay ng kliyente sa Brenterprise ang mga detalye na ilalagay sa resibo gaya ng pangalan ng kumpanya, petsa ng transaksyon at ang biniling produkto o serbisyo.
Ang Brenterprise naman ang magbibigay ng profile ng seller o supplier company kaya lumikha ito ng ghost corporations na magpapanggap na suppliers na gagamitin sa isusulat sa fake receipts.
Sa bisa ng search warrant noong nakaraang Disyembre, nasabat ng NBI sa tanggapan ng Brenterprise sa Eastwood, Quezon City ang ilang desktop computers, smartphones at external storage.
Nakita rin ng mga tauhan ng NBI ang ilang resibo na nakatago at iniimprenta sa lugar.
Una nang naghain ng reklamo sa DOJ laban sa apat na ghost supplier corporations na sangkot sa pamemeke ng resibo.
Sa pagtaya ng BIR, nasa P25 billion pesos ng buwis ang nawala sa gobyerno dahil sa fake receipts mula 2019 hanggang 2021.
Moira Encina