AFP chief tiniyak na walang mangyayaring kudeta dahil sa reporma sa pensyon
Pinawi ng militar ang mga pangamba sa posibleng kudeta sakaling pagtibayin ng Kongreso ang panukalang reporma sa pensyon ng military at uniformed personnel (MUP).
Sa ilalim ng panukala, oobligahin na ang MUPs na maghulog ng contributions para sa kanilang pensiyon sakaling mag-retiro na sa serbisyo.
Sinabi ni Armed Forces Chief of Staff General Andres Centino, na walang mangyayaring pag-a-aklas sa hanay ng mga sundalo.
Kuntento na aniya ang mga sundalo sa kanilang mga tinatanggap na sweldo at iba pang benepisyo.
Tiniyak din ni Centino na igagalang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang anumang pasya ng Kongreso sa isyu, at magpapatuloy ang kanilang trabaho na ipagtanggol ang bansa laban sa terorismo at iba pang nagbabanta laban sa Estado.
“Sa amin naman, in my message to our troops all over the country, sinasabi ko that we continue to do our jobs, we are well compensated and whatever decision that decision makers will be making, yun naman ay ginawa po for the betterment, not for the AFP, for the whole country. We are sensitive, we will work to do our job, perform out mandate and we are thankful for the trust the people has given us,” pagdidiin ni Gen. Centino
Sinabi ni Senador Jinggoy Estrada, chairman ng Senate Committee on Defense, na hindi nila mamadaliin ang pagpapatibay sa panukala at iko-konsulta ito sa lahat ng stakeholders.
Sa inistal na kasunduan, hindi na gagalawin ang kasalukuyang pensiyon na tinatanggap ng mga retirado.
Itutuloy rin ang planong pagbabayad ng kontribusyon, hindi lang ng new entrants kundi maging ng lahat ng nasa aktibong serbisyo.
“This is the institution that does not remit or contribute to the government, at ang national government pa rin ang patuloy na nagbabayad sa kanilang pensiyon,” paliwanag pa ni Sen. Estrada.
Sa konsultasyon ni Estrada sa mga sundalo, sinabi ng mga itong dati naman silang naghuhulog ng kontribusyon sa kanilang pensiyon sa ilalim ng Retirement and Separation Benefits System (RSBS), pero nagsara ito dahil sa bad investments.
Iginiit ni Estrada na kung hindi ito gagawin ay mababaon sa utang ang gobyerno.
“Otherwise, senators are proposing na i-apply sa new entrants but that will not solve the problem, we need to stop the bleeding,” pahayag pa ng senador.
Samantala, nagpasalamat si Centino kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., matapos lagdaan ang pagsasabatas para sa fixed term ng Chief of Staff dahil matitigil na aniya ang pag-aalburuto ng mga sundalo.
“Malaki po ang naitulong, having this law passed by our senators and congressmen… it is, I would believe for the good of the armed forces,” pahayag pa ni Centino.
Meanne Corvera