Senado pinatawan ng contempt si Mayo, superior nito sa isyu ng 990kg shabu bust
Ipina-contempt sa Senado ang dalawa sa police officials na sangkot sa drug bust ng 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa Tondo, Maynila noong Oktubre ng nakaraang taon.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order, ipina-cite in contempt nina Senador Raffy Tulfo at Robin Padilla sina Police Master Sgt. Rodolfo Mayo at ang superior nito na si Lt. Colonel Arnulfo Ibañez.
Makailang ulit tinanong ng mga Senador si Ibañez kung may nalalaman ba ito sa mga lakad ni Mayo at kung sino ang mga posibleng kasabwat nito sa pagtatago ng 990 kg ng shabu pero paulit-ulit din nitong sinabi na walang siyang alam.
Si Mayo ay tauhan ni Ibañez na siyang officer-in-charge ng Philippine National Police Drug Enforcement Unit.
Nang tanungin si Mayo, muli nitong iginiit ang kaniyang “right to remain silent” at “rights against self-incrimination.”
Si Ibañez ay ikukulong sa Senado habang mananatili naman si Mayo sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa kinakaharap nitong kaso.