Sunog sa Manila Central Post Office, tumagal ng 30 oras, 18 sugatan
Idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ‘fire out’ na ang sunog sa Manila Central Post Office matapos ang 30 oras.
Sinabi ng BFP, na nagpahirap sa mga bumbero ang kawalan ng maayos na bentilasyon sa basement ng gusali.
“Although kaya naman ng tauhan, masyado kasing poor ang ventilation, masyadong mainit, di namin inantala ang usok pero yung init hindi kayang tagalan kaya kinailangang i-cool muna yung basement,” paliwanag ni Senior Inspector Alejandro Ramos, ang chief investigator ng BFP Manila.
Bagama’t fire out na, hindi pa rin umaalis ang mga tauhan ng BFP dahil patuloy pa rin ang kanilang mopping operation sa loob.
Sa tagal bago naapula ang apoy, umabot sa 18 ang nasugatan sa insidente, 17 rito ay myembro ng pamatay sunog at 1 ang sibilyan.
Nag-inspeksyon na rin sa nasunog na gusali ang mga taga-Government Service Insurance System (GSIS) kasama ang ilang adjuster para makita ang laki ng pinsala ng sunog.
“Since this property is insured with GSIS, after assessment, we will proceed sa PHLPost, that’s our mandate,” pahayag ni Marco Antonio, ang officer-in-charge marketing department head ng GSIS.
Sa inisyal na pagtaya ng BFP ay umabot sa P300 milyon ang halaga ng pinsala ng sunog.
“Syempre nagbago ang value, iba na ang magiging value. Hopefully, it’s sufficient in construction, siguro other government agency will help,” dagdag pa ng GSIS official.
“The P390M insurance value of structure, hindi pwedeng tumaas yung limit ng policy,” dagdag na paliwanag ni Gil dela Cruz, property division manager ng BA Insight, ang kinuhang adjuster ng GSIS.
Hindi naman covered ng insurance ang mga parcel, maliban sa furniture, fixture & fittings, at makina ng gusali.
Pero kahit hindi insured ang mga parcel at iba pang package, tiniyak naman ni Post Master General at PHLPost Chief Executive Officer (CEO) Luis Carlos na mababayaran ang mga ito.
“There’s an indemnity, depende. Di ba naglalagay ka sa parcel magkano ang value, kung in-edit mo magkano yun, yun ang ma-indemnify,” paliwanag ni Carlos.
Tiniyak din ni Carlos na itatayong muli ang nasunog na gusali ng Manila Central Post Office.
“That’s what I presumed, it has to be the same heritage site,” pahayag pa ng Post Master General.
“The National Historical Commission will come… Hopefully we can hire structural engineer to know the integrity just like nung 1911,” dagdag pa ng PHLPost chief.
Sa kabila ng nangyari, business as usual na aniya ang PHLpost at ang mga naapektuhang empleyado ay inilipat muna sa iba nilang tanggapan sa Pasay at ang mga kartero naman ay sa warehouse sa Delpan.
Ang iba naman ay ililipat muna sa katabing gusali ng post office na hindi nadamay sa sunog.
Madelyn Moratillo