Extension sa Estate Tax Amnesty aprubado sa 2nd reading sa Senado
Aprubado na sa 2nd reading ng mga Senador ang panukalang magpapalawig sa estate tax amnesty.
A-amyendahan ng panukala ang Republic Act no. 11213 o ang Tax Amnesty Act upang palawigin hanggang 2025 ang amnestiya sa magtatapos sana ngayong Hunyo.
Ito na ang Ikalawang pagkakataon na pinalawig ang tax amnesty.
Sa deliberasyon sa plenaryo ng Senado, nilinaw na bukod sa extension ay naglagay din ng mga bagong probisyon sa batas.
Batay sa Senate Bill 2219, bibigyan ng opsyon ang mga taxpayer para sa dalawang taong installment na pagbabayad ng kanilang buwis.
Babawasan din ang mga kina-kailangang dokumento sa proseso ng pagbabayad ng buwis upang mas maging mabilis ang aplikasyon.
Sasaklawin na rin nito ang mga estate tax na ipinamana mula taong 2021 pababa.
Inaasahang sa susunod na linggo ay aaprubahan na ang panukala sa 3rd and final reading upang sumalang sa Bicameral Conference meeting hanggang sa ma-ratipikahan bago ang adjournment sa June 2.
Meanne Corvera