Pagtatalaga kay dating Pangulong Duterte bilang anti-drug czar, iminungkahi ni Senador Go
Iminungkahi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go sa gobyerno na kunin ang serbisyo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang anti-drug czar.
Sa harap ito ng umano’y pagkakadawit ng ilang tauhan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) sa illegal drugs operations, matapos makumpiska ang halos isang tonelada ng shabu kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo sa Tondo, Maynila.
Sa pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa usapin, ay tinanong ni Go si PNP Chief Gen. Benjamin Acorda kung sa tingin nito ay makatutulong kung maitatalaga si Duterte bilang anti-drug czar.
“Kung saka sakali lang…prerogative naman ‘yan ng Presidente, ang appointing authority, kung saka sakali lang, makatutulong ba kung itatalagang drug czar si dating Pangulong Duterte?” tanong ni Go sa PNP chief.
Tugon naman ni Acorda, handa niyang suportahan anomang hakbang ng gobyerno para palakasin ang kampanya laban sa illegal drugs.
“I don’t know if I can comment on that kung ano ang magiging setup [what the setup would be], but anything on the campaign against illegal drugs, I will be supportive,” pahayag ni Gen. Acorda.
Sinabi ni Go na kailangan na ang kamay na bakal tulad ng ginawa noon ng dating pangulo para labanan ang illegal drugs.
Dismayado ang senador dahil tila balik operasyon na naman ang Ninja cops sa katauhan ni Mayo at mga pulis na posibleng kasabwat nito.
“Wag nating sayangin ang naumpisahan ni dating Pangulo Duterte na labanan ang iligal na droga. Kapag bumalik ang iligal na droga, alam na natin na babalik ang kriminalidad at babalik ang korapsyon,” sinabi pa ni Go kay Acorda.
Kumbinsido naman si Go na may nangyayaring cover-up sa nangyaring operasyon laban kay Mayo, at posibleng may kasabwat silang mga sindikato kaya tumatanggi silang magsalita sa imbestigasyon ng Senado.
Meanne Corvera