P1.8B tax evasion case isinampa ng BIR sa DOJ laban sa 69 illegal cigarette traders
Sinampahan ng mga reklamong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ang 69 na iligal na traders ng sigarilyo.
Nag-ugat ang reklamo sa nationwide raid ng BIR sa iba’t ibang tindahan at warehouses ng sigarilyo noong Enero.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na tinatayang nasa P1.8 billion ang nawalang kita sa gobyerno dahil sa nasabing illicit trading ng sigarilyo.
Ilan sa mga nakumpiskang sigarilyo ay walang tax stamps o kaya naman ay peke ang tax stamps na nangangahulugan na hindi nagbayad ang manufacturers o traders ng mga kaukulang buwis.
Aabot naman aniya sa P50 bilyon hanggang P100 bilyon kada taon ang nalulugi sa pamahalaan dahil sa paglusot ng mga pekeng sigarilyo.
Sinabi ni Lumagui na iniimbestigahan at hinahanap din ng BIR ang mga supplier at ang mga gumagawa ng mga pekeng sigarilyo.
Batay aniya sa impormasyon ng BIR, malaking sindikato ang gumagawa ng mga nasabing sigarilyo.
Moira Encina