Mawar, Habagat magpapa-ulan sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa – PAGASA
Muling lumakas at naging super typhoon ang bagyong Mawar matapos ang pananalasa sa Guam.
Ang super typhoon na tatawaging Betty sa pagpasok sa Philippine area of responsibility (PAR).
Inaasahang itataas ang tropical cyclone wind signals sa bahagi ng extreme northern Luzon sa mga susunod na araw habang papalapit ang bagyong Mawar sa bansa, bagama’t hindi ito inaasahang direktang tatama sa anumang bahagi ng Pilipinas.
Inaasahang magdudulot ng malakas na ulan ang bagyong Mawar sa Cagayan Valley sa Linggo hanggang Martes ng susunod na linggo, na may gale-force winds na inaasahang mararanasan sa malaking bahagi ng rehiyon.
Malakas na hangin hanggang sa storm-force conditions naman ang inaasahang mararanasan sa Batanes at Babuyan Islands sa mga susunod na araw.
Sa forecast ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, namataan ang bayong Mawar sa layong 2,065 kilometers sa silangan ng southeastern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 185 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna na may bugso ng hangin na 230 kph, at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 10 kph.
Samantala, inaasahan ding magiging maulan ang Metro Manila at mga karatig na lugar sa susunod na linggo dahil sa southwest monsoon o Habagat na pinaigting ng bagyong Mawar.
Ang pinaigting na Habagat ay inaasahang magdudulot din ng pag-ulan sa Southern Luzon, bahagi ng Visayas at Mindanao, partikular sa Palawan, Occidental Mindoro, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro Region.
Weng dela Fuente