Principal suspect sa ambush ng Lanao del Sur governor, arestado ng PNP at AFP sa South Cotobato
Arestadong pinagsanib na pwersang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Huwebes ng tanghali, May 25, ang principal suspect sa pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. noong Pebrero na ikinasawi ng tatlong police escorts at driver nito.
Sinabi ni Colonel Andre Santos, commander ng 1st Mechanized Infantry Brigade, nadakip ang suspek na si Lomala Baratumo, alyas Commander Lomala sa isang checkpoint sa Barangay Centrala, Surallah, South Cotabato.
Si Lomala ay may standing warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ng 12th Judicial Region, Branch 8, Marawi City.
Ang suspek ay itinuturing na No.5 Most Wanted Person ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) at No.1 Most Wanted Person ng Lanao del Sur.
Sinabi naman ni 6th Infantry Division commander Maj General Alex Rillera na ang pagkaka-aresto kayLomala ay patunay lamang ng kahalagahan at pagiging epektibong mga nakalatag na checkpoint.
Nasa kustodiya na ng Lanao del Sur Provincial Police Office ang suspek na agad isinailalim sa documentation at booking procedure bago iharap sa korte na nagpalabas ng warrant of arrest.
Mar Gabriel