LGUs pinaghahanda ni PBBM sa impact ng super typhoon Mawar
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga lokal na pamahalaan na paghandaan ang posibleng malakas na pag-ulan at pagbahang dulot ng super typhoon Mawar o tatawaging Betty pag pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR).
Tiniyak naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (ndrrmc) ang kahandaan nito na rumesponde sa epekto ng kalamidad.
Sa ambush interview, sinabi ni Pangulong Marcos na nakahanda ang national government na tulungan ang mga LGU sa pananalasa ng bagyo.
“We have already warned the LGUs to prepare in case of heavy rains and flooding. So ang aming ginagawa ay we leave it to the LGUs right now to make the call kung ano ang gagawin nila,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Pero nandito lang, sinasabi namin the national government is here to assist. We are in constant contact with the local governments para makita natin what is the situation in their place,” dagdag na pahayag ng Punong Ehekutibo.
Bago pa man pumasok sa PAR ang bagyo ay tinalakay na ni Pangulong Marcos ang typhoon preparations ng bansa kay Defense officer-in-charge Undersecretary Carlito Galvez.
Sa isang statement, sinabi ng NDRRMC na nakahanda ang buong gobyerno sa posibleng impact ni Mawar.
Sinabi ng NDRRMC nan aka-standby na ang pwersa nito gayundin ang kailangang relief assistance para sa posibleng evacuations dahil sa bagyo.
Pina-alalahanan na rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga LGUs na simulan nang maaga ang preparasyon sa bagyo.
Tiniyak naman ng Department of Budget and Management (DBM) na may nalalabi pang P18.3 billion na halaga ng calamity funds ang gobyerno.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na maaari ring i-tap ng mga ahensya ng gobyerno ang NDRRMC fund matapos ang assessment at rekomendasyon ng NDRRMC, sa pagpapatibay ni Pangulong Marcos.
Weng dela Fuente