Metro Manila naghahanda rin kahit hindi direktang tatamaan ng Super Typhoon Betty
Hindi man direktang tatamaan ng Super Typhoon Betty, naghahanda rin ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Nakakaranas man ng manaka-nakang pag-ulan, sinabi ng state weather bureau PAGASA walang direktang kinalaman ito sa super typhoon.
Sinabi ni PAGASA officer-in-charge Esperanza Cayanan na batay sa track ng bagyo, hindi magla-landfall ang bagyo ngunit mararanasan ang malakas na hangin simula bukas, Linggo.
Magpapa-ulan ang Super Typhoon Betty sa Lunes hanggang MIyerkules dahil hahatakin nito ang southwest monsoon o Habagat.
Ipinauubaya naman ng PAGASA sa mga LGUs ang paged-deklara kung kakanselahin ang klase sa Lunes sakaling tumindi ang epekto ng bagyo.
Ang mga Metro Manila LGUs puspusan din sa kanilang paghahanda.
Sa Pasig City, naka-puwesto na ang kanilang mga rescue equipment gaya ng rubber boat at mga life vest.
Sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto kailangang maghanda dahil hindi sigurado kung paano at kailan tatamaan ng bagyo.
Naka-blue alert na ang Pasig simula alas-ocho ng umaga kanina, May 27.
“Kahit wala pa o di pa tayo sigurado kung paano tayo tatamaan, maagap tayo sa paghahanda. Naka-blue alert na rin tayo simula 8am,” sinabi ni Mayor Vico Sotto sa isang statement.
Sa Marikina, naka-pwesto na rin sa mga barangay ang kanilang mga rescue boat.
Naka-handa na rin ang mga life vest, lubid at iba pang equipment sa barangay na ginagamit sakaling tumaas ang tubig-baha.
Ang Pasig at Marikina ay dalawa sa mga siyudad sa Metro Manila na nakaranas ng matinding pagbaha noong manalasa ang bagyong Ondoy noong 2009.
Sa Quezon City, naka-standby na rin ang kanilang mga rescue at heavy equipment.
Patuloy ring mino-monitor ng QC Disaster Risk and Reduction Management Council (QCDRRMC) ang track ng Super Typhoon Betty.